Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng ligtas, disiplinado, at drug-free na lugar ng trabaho, nagsagawa ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO), sa pamumuno ni PCol Mardito G. Anguluan, Provincial Director, ng Re-orientation Seminar bilang paghahanda sa renewal ng Drug-Free Workplace Status nito, noong Agosto 18, 2026.
Pinangunahan nina Atty. Jojo Tarun, Legal Officer ng PDEA Cagayan, at IA V Ma. Editha Bunagan ng PDEA Cagayan ang seminar, na naglalayong sariwain at palawakin ang kaalaman ng mga personnel hinggil sa mga polisiya, responsibilidad, at hakbangin para sa pagpapanatili ng isang drug-free workplace.
Ang nasabing seminar ay dinaluhan ng mga personnel ng CCPO upang malaman ang kahalagahan ng patuloy na re-orientation at matiyak ang sapat na kaalaman at kamalayan ng bawat isa sa mga alituntunin ng Drug-Free Workplace Program.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCol Anguluan na ang pagiging huwarang pulis ay nagsisimula sa sarili, lalo na sa loob ng sariling workplace. Hinikayat niya ang bawat personnel na isabuhay ang disiplina at pagsunod sa batas upang maging mabuting halimbawa sa kanilang pamilya at komunidad.
Samantala, ipinaabot ni IA V Bunagan ang pagbati at pagkilala sa CPPO sa ipinamalas nitong disiplina at dedikasyon sa pagpapanatili ng isang ligtas at drug-free na lugar ng trabaho. Nagbigay rin si PCol Anguluan ng token of gratitude at certificates of appreciation sa mga kinatawan ng PDEA Cagayan bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan.
Patuloy na pinagtitibay ng CPPO, katuwang ang PDEA Cagayan at iba pang stakeholders, ang mga programa at inisyatiba para mapanatili ang isang drug-free workplace at maisulong ang disiplina, integridad, at pananagutan ng bawat police personnel bilang bahagi ng mas malawak na layunin na magkaroon ng isang ligtas at drug-free na Cagayan.
Source: PNP Cagayan Police Provincial Office



