Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Tabaco City Police Station (CPS), katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 5 (RMFB5), Albay Maritime Police Station (MARPSTA), at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), ang isang indibidwal na kabilang sa listahan ng City Most Wanted Person sa isinagawang operasyon bandang 12:05 ng madaling-araw noong Oktubre 23, 2026, sa Brgy. Comon, Tabaco City. Pinangunahan ang operasyon sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Virgil B. Bibat, Chief of Police ng Tabaco CPS.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Mak,” 44 anyos, may asawa, empleyado ng lokal na pamahalaan, at residente ng nasabing brgy. Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte kaugnay ng walong kasong may kinalaman sa paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Nagtakda ang korte ng piyansang Php180,000 para sa bawat bilang ng kaso.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa kustodiya ng Tabaco CPS habang isinasagawa ang mga kinakailangang proseso at inihahanda ang mga dokumento para sa kaukulang disposisyon at pagharap sa hukuman. Ipinakikita ng matagumpay na pag-aresto ang patuloy na koordinasyon ng iba’t ibang unit ng kapulisan sa pagtugis sa mga wanted person at pagpapatupad ng batas, lalo na sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso.
Binigyang-diin ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office (Albay PPO), na mananatiling matatag ang kapulisan sa pagtugis sa mga indibidwal na pinaghahanap ng batas at sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. “Ang tagumpay na ito ay nagpapakita na hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga nagkasala, lalo na sa mga gumagawa ng pang-aabuso. Walang puwang ang karahasan at pang-aabuso sa ating lalawigan,” aniya.
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

