Camarines Sur PNP, mas pinaigting ang police visibility sa mga paaralan

0
117

Patuloy na pinalalakas ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sa pamumuno ni Police Colonel Virgilio O. Olalia, Jr., Provincial Director, ang presensya ng kapulisan sa mga paaralan sa buong lalawigan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, at kawani sa kanilang araw-araw na pagpasok at pag-uwi.

Sa pamamagitan ng mas pinaigting na police visibility, traffic management, at iba’t ibang school safety initiatives, nagsasagawa ang kapulisan ng mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa paligid ng mga paaralan at maiwasan ang anumang insidenteng maaaring makaapekto sa kapakanan ng mga mag-aaral. Layunin din ng hakbang na makapagbigay ng ligtas at maayos na kapaligiran na makatutulong sa paghubog ng isang mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataan.

Ayon sa CSPPO, mahalaga ang pagtutulungan ng paaralan, mga magulang, komunidad, at kapulisan upang makalikha ng isang ligtas, mapayapa, at kaaya-ayang kapaligiran para sa pagkatuto.

Ang patuloy na programang ito ng PNP ay sumasalamin sa dedikasyon ng organisasyon sa pangangalaga sa mamamayan, lalo na sa sektor ng edukasyon. Kaakibat nito ang adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na naglalayong maghatid ng maagap, maaasahan, at makataong serbisyo tungo sa isang mas ligtas, mas maayos, at mas maunlad na komunidad.

Source: PNP Camarines Sur PPO

Leave a Reply