Hindi nag-atubiling kumilos ang isang pulis nang may batang nasagasaan sa Barangay Can-asujan, Carcar City, Cebu—agad siyang nailigtas at nabigyan ng paunang lunas noong Disyembre 23, 2025, bandang alas-10 ng umaga.
Si PSSg Francisco Villarasco Saberon Jr., 40 taong gulang at residente ng Sitio Manghupi, Barangay Can-asujan, na naka-assign bilang Desk Officer sa Carcar City Police Station, ay rumesponde agad matapos makatanggap ng tawag mula sa isang nakasaksi sa aksidente.
Pagdating sa lugar, nakita niya ang 7-anyos na batang lalaki mula Sitio Ylaya na umiiyak dahil sa pinsalang natamo sa kanyang kanang paa. Agad niyang tinawagan ang rescue team at habang naghihintay, humingi siya ng tulong sa mga tao sa paligid. Gumawa siya ng improvised splint gamit ang kahoy at kurtina mula sa kalapit na bahay upang ma-stabilize ang paa ng bata.
Nang dumating ang BFP ambulance ng Carcar, mabilis niyang naihatid ang bata sa Carcar Provincial Hospital, kung saan kasalukuyang nagpapagaling.
Ayon kay Acting Chief PNP, PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Ang ganitong uri ng aksyon ay tunay na halimbawa ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman. Layunin namin na hindi lang ipatupad ang batas kundi maging katuwang ng komunidad sa bawat oras ng pangangailangan.”
Dagdag pa niya, “Ang insidenteng ito ay patunay na sa bawat barangay at sa bawat oras, ang PNP ay laging handa at nariyan para sa ating mamamayan.”
Muling pinatunayan ng mabilis at maayos na aksyon ni PSSg Saberon na ang dedikasyon at malasakit ng bawat PNP personnel ay higit pa sa tungkulin—ito ay isang personal na misyon na tumulong sa kapwa sa oras ng pangangailangan.



