Bataan PNP, pinaigting ang seguridad sa mga sementeryo para sa Ligtas Undas 2026

0
65

Pinaigting ng Bataan Police Provincial Office (Bataan PPO) ang mga hakbang sa seguridad sa mga sementeryo sa lalawigan bilang paghahanda sa paggunita ng “Undas 2026.” Kaugnay nito, pinangunahan ni PBGen Reynaldo S. Ogay Jr., Deputy Regional Director for Administration ng PRO3, kasama si PCol Marites A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan PPO, ang inspeksyon sa ilang sementeryo noong Oktubre 31, 2026 upang tiyakin ang kahandaan ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan ng publiko.

Kabilang sa mga siniyasat ang Hermosa Memorial Park sa Hermosa, Orani Memorial Park sa Orani, La Pieta Memorial Park sa Abucay, at Balanga Eternal Shrine sa Balanga City. Sinuri ang deployment at kahandaan ng mga tauhan, gayundin ang mga ipinatutupad na hakbang sa seguridad upang matiyak ang maayos at payapang pagdalaw ng mga pamilya sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa gitna ng Full Alert Status ng Pambansang Pulisya, patuloy na pinapalakas ng Bataan PPO ang police visibility at deployment ng mga tauhan sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar. Nakatuon ang mga hakbang na ito sa pagpigil sa mga kriminal na aktibidad at hindi kanais-nais na insidente, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagbibigay ng agarang tulong sa publiko sa buong panahon ng Undas.

Sa pangunguna at buong suporta ni PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO3, patuloy na pinagtitibay ng Bataan PPO ang kahandaan at kakayahan ng kapulisan upang mapangalagaan ang publiko at matiyak ang ligtas na paggunita ng “Undas 2026,” alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Bataan PPO (https://www.facebook.com/share/p/1FCXHFmU2K/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply