Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hindi lisensiyadong baril kasunod ng isinagawang security operation ng mga tauhan ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang Baleno Municipal Police Station (MPS), dakong alas 4:30 ng madaling-araw ng Nobyembre 8, 2026, sa Purok 1, Brgy. Manoboc, Baleno, Masbate.
Kinilala ang suspek na si alyas “Rustom,” isang magsasaka at residente ng nasabing bayan.
Ayon sa ulat, habang ipinapatupad ng kapulisan ang seguridad sa Grabe Laki Beach Resort, napansin nila ang isang bagay na tila baril na nakausli sa kanang baywang ng suspek. Nang ininspeksyon ito, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .22 na pistola na walang marka at isang steel magazine na may lamang dalawang bala.
Nabigong magpakita ng kaukulang dokumento ang suspek na magpapatunay na may pahintulot siyang magmay-ari at magdala ng nasabing baril, dahilan upang siya ay arestuhin dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Dinala ang suspek sa Baleno MPS matapos ipaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Sumailalim din siya sa medical examination sa Rural Health Unit ng Baleno habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Bilang pagtalima sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy na pinaigting ng Masbate Police Provincial Office ang pagpapatupad ng mga batas hinggil sa ilegal na pagmamay-ari at pagdadala ng baril upang mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa lalawigan.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1KH9JHdQNr/?mibextid=wwXIfr

