Barangay kagawad at menor de edad, huli ng Iloilo City PNP; Php612K hinihinalang shabu, arekober

0
31
Screenshot

Isang barangay kagawad na itinuturing na drug personality at isang 16 anyos na menor de edad ang nahuli ng pulisya matapos makumpiska ang humigit-kumulang 90 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php612,000.00 sa buy-bust operation sa Brgy. Tap-oc, Molo, Iloilo City, dakong 1:45 ng madaling-araw ng Agosto 25, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Bon-Bon,” 39 anyos, binata, at kasalukuyang barangay kagawad sa Molo, Iloilo City. Samantala, ang isa pang sangkot ay isang 16 anyos na menor de edad.

Isinagawa ng Iloilo City Drug Enforcement Unit (CDEU), katuwang ang Iloilo City Police Station 4–Station Drug Enforcement Team (ICPS 4-SDET), ang operasyon matapos ang serye ng intelligence validation, surveillance, at target profiling.

Nakumpiska sa operasyon ang limang pakete ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at iba pang non-drug evidence.

Ang adult suspect ay nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng nararapat na kaso. Samantala, ang menor de edad ay isinasailalim sa itinakdang proseso para sa turnover sa Balay Dalayunan sa Brgy. Barrio Obrero, Iloilo City, alinsunod sa umiiral na batas at child protection protocols.

Pinuri ni PRO6 Regional Director Police Brigadier General Randulf T Tuaño ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, partikular ang kanilang paggamit ng intelligence at koordinasyon sa pagitan ng mga operating units.

Aniya, “Ang pagkakahuli sa isang High-Value Individual at pagkakasamsam ng malaking halaga ng hinihinalang shabu ay mahalagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa ating mga komunidad. Patuloy nating tutugisin ang mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga at pananagutin sila alinsunod sa batas.”

Samantala, nagpahayag naman ang Regional Director ng pagkabahala sa pagkakasangkot ng isang menor de edad, lalo na’t kabilang sa operasyon ang isang barangay official na inaasahang katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagprotekta sa komunidad.

“Lubhang nakababahala ang pagkakasangkot ng isang menor de edad sa ilegal na droga. Ang ating mga kabataan ay dapat nasa paaralan, hinuhubog ang kanilang kinabukasan, at nasa isang kapaligirang ligtas sa impluwensiya at panganib ng ilegal na droga,” ani PBGen Tuaño.

Patuloy naman ang intelligence gathering at follow-up operations ng PRO6 upang matukoy ang iba pang personalidad na maaaring konektado sa ilegal na aktibidad at mapanagot ang mga sangkot sa batas alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

Source: https://www.facebook.com/share/p/1LunmiQmv9/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply