Bagong Police Outpost, itinatag sa Daraga, Albay

0
280

Mas pinalakas pa ng Albay Police Provincial Office ang presensya ng kapulisan at mas pinalapit pa ang kanilang serbisyo publiko sa mamamayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng bagong Police Outpost sa bayan ng Daraga, Albay kamakailan lamang.

Ang nasabing pasilidad ay bunga ng matibay na pagtutulungan ng Local Government Unit (LGU) ng Daraga at ng Daraga Municipal Police Station (MPS), bilang bahagi ng patuloy na suporta sa pagpapatupad ng PNP Focused Agenda at ng programang “KASUROG NARITO KAMI” ng Police Regional Office 5 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director.

Layunin ng bagong police outpost na higit pang mapalakas ang police visibility sa isa sa mga pangunahing lansangan ng bayan upang matiyak ang mas mabilis na pagtugon sa mga insidente, aksidente, at iba pang emergency na nangangailangan ng agarang aksyon ng kapulisan alinsunod sa mantra ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Inaasahan ding magsisilbi itong mahalagang himpilan para sa pagpapatrolya at pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaligtasan sa komunidad.

Ayon kay PCol Noel D. Nuñez, Provincial Director ng Albay PPO, ang pagtatayo ng karagdagang police outpost sa isang estratehikong lokasyon ay malaking hakbang upang higit na mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.

Aniya, “Makatutulong din ito sa pagpapalapit ng serbisyo ng kapulisan sa mamamayan at sa pagpapatibay ng ugnayan ng pulisya at komunidad.”

Sa pamamagitan ng proyektong ito, muling pinagtitibay ng PNP ang kanilang pangako na maghatid ng maagap, episyente, at makataong serbisyo, kasabay ng patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Albay.

Leave a Reply