Sa patuloy na pagpapakita ng malasakit at makataong serbisyo, matagumpay na isinagawa ng Aviation Security Unit – Negros Island Region (AVSEU NIR) ang Turnover at Ribbon-Cutting Ceremony ng proyektong “Sleepover sa Paliparan” noong Hunyo 3, 2026 sa kanilang himpilan sa Bacolod-Silay Airport, Silay City.
Sa pamumuno ni PCol Alex T. Dimaculangan, Chief ng AVSEU NIR, muling pinatunayan ng Philippine National Police na ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad kundi pati na rin sa pag-aaruga at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan, lalo na ng mga biyaherong naantala o na-reschedule ang biyahe.
Naging posible ang proyekto sa pamamagitan ng mapagkawanggawang donasyon ng isang kubo mula kay Dr. Ramel Y. Uy, na nagsisilbing pansamantalang masisilungan ng mga pasaherong kinakailangang magpalipas ng oras o magpalipas ng gabi habang naghihintay ng kanilang mga flight. Ang simpleng estrukturang ito ay sumasalamin sa isang malaking layunin—ang magbigay ng kaginhawahan, kapanatagan, at malasakit sa bawat biyaherong nangangailangan.
Ang “Sleepover sa Paliparan” ay bunga ng inisyatiba ng Bacolod-Silay Airport Police Station sa pangunguna ni PMaj Deejay J Domingo matapos mapansin ang hirap na dinaranas ng mga stranded passengers sa loob ng paliparan. Sa kabila ng mga hamon tulad ng kakulangan sa pondo at pandemya, nagpatuloy ang adhikain hanggang sa ito ay maisakatuparan sa tulong ng mga katuwang na ahensya at pribadong sektor.
Higit pa sa isang pasilidad, ang proyekto ay simbolo ng makabagong polisiya ng PNP na nakasentro sa tao at komunidad. Sa pamamagitan ng paggamit ng abot-kaya at lokal na materyales, ipinapakita ng AVSEU NIR na hindi kailangang maging magastos upang makapaghatid ng makabuluhang serbisyo.
Ang proyektong ito ay isang malinaw na patunay na ang malasakit, pagkakaisa, at pakikipagtulungan ay nagbubunga ng mga programang may direktang positibong epekto sa buhay ng mamamayan na naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos
Source: PNP Aviation Security Unit NIR



