Naaresto ang isang 21-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng hindi lisensyadong baril at mga bala sa Barangay Bolinawan, Carcar City, Cebu, noong Hunyo 3, 2026.
Ayon kay PLtCol Judith B. Besas, Officer in Charge ng Carcar City Police Station, rumesponde ang mga pulis sa ulat ng isang concerned citizen hinggil sa armadong indibidwal sa Sitio Relis Cambuntan. Sa operasyon, nahulihan ang suspek ng isang kalibre .22 revolver na may tatlong bala.
Dahil wala itong maipakitang kaukulang dokumento para sa pagmamay-ari ng baril, siya ay inaresto dahil sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri naman ni PCol Abubakar Udang Mangelen Jr., Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office, ang residenteng nagbigay ng impormasyon at ang mga pulis na agad na kumilos upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Ang ganitong aksiyon ng kapulisan ay naaayon sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



