Tampok sa nalalapit na Grand Alumni Homecoming, na may temang “Isang Asosasyon, Bihirang Pagkakataon, Pag-asa ng Bagong Henerasyon,” ang ALAB-KALIS Class of 2022 na kinikilala bilang mga alagad ng batas na handang kumalinga at maglingkod sa bayang kanilang sinilangan.
Pinatunayan ng ALAB-KALIS Class of 2022 ang kanilang katatagan at dedikasyon sa gitna ng matitinding hamon, kabilang ang pagharap sa pagsabog ng Bulkang Taal at ang mga pagsubok dulot ng pandemya ng COVID-19. Sa kabila ng mga ito, nanatili silang matatag at nag-alay ng walang kapantay na sigasig sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo publiko.
Sa kanilang motto na “What You Do Today, Echoes for Eternity,” patuloy na hinuhubog ng nasabing klase ang bagong henerasyon ng pamumuno na nakabatay sa disiplina, katapangan, at dangal. Sa kanilang integridad at malasakit sa kapwa, nagsisilbi silang tagapagtanggol ng mamamayan at inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon.



