25 Violators sa ordinansa at 5 hinihinalang sangkot sa krimen, arestado sa Oplan Galugad ng QCPD; 2 huli matapos sagasaan ang isang pulis

0
304

Arestado ang dalawang indibidwal matapos na sagasaan at nabalian ng wrist o pulso ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) habang nagsasagawa ng Oplan Galugad/Bulabog bandang 9:45 ng gabi noong Biyernes. Marso 6, 2026 sa Riverside Street sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Kinilala ni Police Brigadier General Glenn Silvio, District Director ng QCPD, ang pulis na si Police Captain Joseph Canlas, Team Leader ng isinagawang Oplan Galagud/Bulabog na kasalukuyan ay nagpapagaling sa PNP General Hospital sa Camp Crame.

Nabatid na pinara ng mga pulis ang dalawa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na walang suot na helmet at nakasuot lamang ng shorts at tsinelas ngunit hindi tumigil at sinubukang tumakas kaya tinangka ni PCpt Canlas na pigilan ang dalawa, nabangga ito ng motorsiklo na nagresulta sa pagkabali ng kanyang kanang pulso. Kalaunan ay natumba rin ang motorsiklo ng mga suspek kaya agad naaresto ng mga rumespondeng pulis.

Sa Barangay Commonwealth, naman tatlong (3) indibidwal ang inaresto dahil paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang dalawa (2) naman ang nahuli dahil sa illegal numbers game o “ending.”

Bukod dito, 20 citation tickets ang ibinigay sa 20 indibidwal dahil sa iba’t ibang paglabag sa city ordinances tulad ng paglalakad sa kalsada nang walang suot na pantaas na damit, illegal loading at unloading, illegal vending, paggamit ng hindi rehistradong motorsiklo, reckless driving, dress code violation, hindi pagsusuot ng helmet, at motorcycle overloading.

Umabot sa kabuuang P91,200 ang halaga ng mga inisyung citation ticket sa lugar.

Sa hiwalay na operasyon sa Barangay Culiat, 5 indibidwal ang nahuli dahil sa paglabag sa mga ordinansa ng lungsod kabilang ang paglalakad sa pampublikong lugar nang walang suot na damit pang-itaas, pag-inom ng alak at paninigarilyo sa pampublikong lugar.

Umabot sa Php12,500 ang kabuuang halaga ng mga inisyung citation ticket sa naturang barangay.

Sa kabuuan aabot sa 25 indibidwal na lumabag sa mga ordinansa ng lungsod at limang hinihinalang sangkot sa kriminalidad ang nahuli sa Barangay Commonwealth at Barangay Culiat.

“PCpt Canlas showed courage in the line of duty. The QCPD stands behind him and all our personnel as they carry out their responsibilities to the public. This also aligns with the Focused Agenda of Chief PNP, Pgen Jose Melencio Nartatez Jr., which emphasizes the welfare, morale, and protection of police personnel in the performance of their duties,” saad ni PBGen Silvio.

Source: https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/3/8/25-lumabag-sa-ordinansa-tiklo-sa-oplan-galugad-bulabog-sa-qc-1556