Nagpakita ng maagap at makataong serbisyo ang mga tauhan ng Alicia Municipal Police Station (MPS) matapos nilang matagumpay na mailigtas ang isang 22-anyos na lalaki na nagtangkang magpakamatay sa Ganano Bridge sa Brgy. San Antonio, Alicia, Isabela noong gabi ng Abril 20, 2026. Ang mabilis na aksyon ng kapulisan ay nagbunga ng isang positibong kinalabasan na nagligtas sa buhay ng nasabing indibidwal.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga operatiba ng Alicia MPS matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente. Sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), isinagawa ang isang maingat at planadong rescue operation upang matiyak ang kaligtasan ng biktima.
Sa pamamagitan ng mahinahong pakikipag-usap at epektibong negotiation techniques, matagumpay na napakalma ng mga pulis ang lalaking kinilalang si alyas “TenTen,” isang residente ng Alicia. Ang kanilang propesyonalismo at malasakit ang naging susi upang mapigilan ang tangkang pagpapatiwakal at maibalik ang pag-asa sa nasabing indibidwal.
Matapos ang insidente, isinailalim ang biktima sa debriefing at kinakailangang medical at psychosocial interventions upang matiyak ang kanyang kabuuang kalagayan.
Pinuri naman ni PBGen Antonio P. Marallag Jr., Regional Director ng Police Regional Office 2, ang mga rumespondeng tauhan at inihayag na pagkakalooban sila ng kaukulang pagkilala dahil sa kanilang kabayanihan at exemplary performance sa operasyon.
Dagdag pa niya, “Kasabay nito, muli nating ipinapaalala na mahalaga ang mental health awareness. Huwag nating balewalain ang mga senyales ng emotional distress at hikayatin ang sinuman na nangangailangan ng tulong na magsalita at humingi ng suporta.”
Ang pangyayaring ito ay patunay na ang Philippine National Police ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi tunay na tagapagligtas ng buhay. Patuloy na isinusulong ng kapulisan ang adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” kasabay ng paalala sa publiko na pahalagahan ang mental health at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang ligtas at mapayapang komunidad.
Source: PRO 2



