Abu Sayyaf Group member, arestado ng CIDG sa Basilan

0
2100

Arestado ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 9 ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may kasong murder at illegal possession of light weapon nitong Oktubre 20, 2025 sa Barangay Tuburan Proper sa bayan ng Hadji Mohammad Ajul, Basilan Province.

Ayon kay Police Major General Robert A Morico II, Director, CIDG, ang suspek na kinilalang si “Atong”, may asawa at residente ng Barangay Tuburan Proper, Hadji Mohammad Ajul, Basilan ay miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) simula taong 2010, na nagsasagawa ng operasyon sa Zamboanga at Basilan.

Matagumpay na naaresto ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Basilan Provincial Field Unit, katuwang ang Special Action Force; Intelligence Group; Explosive Ordnance Disposal-K9 (EOD K9), TOMWASMIN, Philippine Air Force; NICA 9; RID PRO9; RMFB PRO 9; Hadji Mohammad Ajul MPS sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Murder na inisyu ng Zamboanga City Regional Trial Court noong April 11, 2023.

Matatandaang si Atong kasama ang isa pang indibidwal ang siyang pangunahing suspek sa pagbaril-patay sa isang lalaking biktima noong March 1, 2016 sa Zamboanga City. Matapos inilabas ang nasabing warrant, tumakas si Atong mula Zamboanga papuntang Basilan.

Nakumpiska mula sa naarestong suspek ang isang yunit ng caliber 5.56 M16 rifle a light weapon, dalawang magazines, 33 rounds ng live ammunition, at isang bandolier.

Pinuri naman ni PMGen Morico ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, aniya, “I commend PLtCol Arjun B Luig, the Regional Chief of CIDG Regional Field Unit 9, and the CIDG Basilan Provincial Field Unit led by its Provincial Officer- PLt Edwin A Castor, and all the joint operating units for the capture of this armed and dangerous fugitive. With his arrest, we helped the victim and his family attain the justice they deserved; and with the seizure of the light weapon, we removed from the circulation the instrument of crime, thereby, we significantly prevented crime. Maraming salamat sa inyo.”

Samantala, sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr, Acting PNP Chief, patuloy pang papaigtingin ng Pambansang Pulisya ang pagtugis sa lahat ng mga wanted kriminals upang itaguyod ang hustisya at tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng komunidad sa buong bansa.