Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang ugnayan ng pulisya at mamamayan at higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyong publiko, nakiisa si PCol Ariel T. Huesca, Acting Provincial Director ng La Union Police Provincial Office (PPO), sa inagurasyon at ribbon-cutting ceremony ng bagong tatag na Police Assistance Center (PAC) ng Balaoan Municipal Police Station (MPS), sa Brgy. Antonino, Balaoan, La Union, noong Nobyembre 17, 2026.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ni Hon. Mayor Carlo Castor U Concepcion, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, SK Municipal Federation President Patricia Maegan B. Suyat, mga Punong Barangay, at mga kinatawan ng Municipal Engineering Office.
Inaasahang magsisilbing mahalagang pasilidad ang bagong PAC upang mas mapalapit sa mga residente ang mga serbisyo ng kapulisan, mapadali ang paghingi ng tulong, at matiyak ang maagap na pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng publiko.
Ang pagtatatag nito ay isang mahalagang hakbang sa pagsusulong ng mas ligtas at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng presensya ng kapulisan at pagbibigay ng maayos at agarang serbisyo-publiko
Patuloy namang isinusulong ng La Union PPO ang mga programang naglalayong ilapit ang kapulisan sa komunidad at palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan tungo sa kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source LUPPO https://www.facebook.com/share/p/1AFDP54paL/

