170 wanted persons, arestado sa isang araw na SACLEO ng PRO4A

0
256

Umabot sa 170 wanted persons ang naaresto ng Police Regional Office 4A (PRO4A) sa isinagawang isang araw na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON mula 6:00 ng umaga noong Nobyembre 7 hanggang 6:00 ng umaga noong Nobyembre 8, 2026.

Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 73 ang Most Wanted Persons (MWPs) habang 97 naman ang iba pang wanted persons na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal, kabilang ang paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, gayundin ang mga kasong rape, murder, at homicide.

Nanguna ang Cavite Police Provincial Office (PPO) sa pagkakaaresto sa 20 Most Wanted Persons, kabilang ang anim na Regional Level MWPs. Sinundan ito ng Laguna PPO na may 17 naaresto, kabilang ang lima sa Regional Level, at Rizal PPO na may 14 naaresto, kabilang ang tatlo sa parehong antas.

Kabilang sa mahahalagang resulta ng operasyon ang pagkakaaresto sa Regional Most Wanted Persons na sina alyas “Kulot” (Rank 5) sa Lucena City, Quezon; alyas “Bintuno” (Rank 6) sa Tondo, Maynila; at alyas “Gojo” (Rank 8) sa Lipa City, Batangas. Sina alyas “Kulot” at “Bintuno” ay nahaharap sa kasong murder, habang si alyas “Gojo” ay may kasong qualified rape. Naisagawa ang mga operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng mga kaukulang police units.

Binigyang-diin ni PBGen Dominic L. Baccay, Regional Director ng PRO4A, ang mahalagang papel ng publiko at mga lokal na pamahalaan sa matagumpay na pagpapatupad ng SACLEO. Aniya, “Malaking bahagi ng tagumpay na ito ay ang pakikiisa ng ating mga mamamayan at mga lokal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang impormasyon at maayos na koordinasyon sa komunidad, mas napapalakas natin ang ating kampanya laban sa mga wanted person at iba pang kriminal.”

Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting units ang mga naarestong suspek para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso bago iharap sa mga hukuman na may hurisdiksyon sa kanilang mga kaso. Patunay ang matagumpay na mga operasyong ito sa patuloy na pagsisikap ng PNP na panagutin ang mga lumalabag sa batas at pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO4A (https://www.facebook.com/share/p/1E1ocXeV1m/)

Leave a Reply