Arestado ng mga operatiba ng Morong Municipal Police Station (MPS) ang isang Regional-Level Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation dakong alas 1:45 ng hapon nito lamang, Nobyembre 8, 2026, sa Brgy. San Jose, Morong, Rizal.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Sandara,” 47 taong gulang at kabilang sa Regional-Level Most Wanted Persons.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Illegal Sale of Dangerous Drugs sa ilalim ng Section 5, Article II, at Possession of Dangerous Drugs sa ilalim ng Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang naturang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court, Branch 159, Morong, Rizal, noong Hulyo 29, 2026, na may kaukulang service of sentence.
Matapos ipaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, siya ay agad na isinailalim sa kustodiya ng Morong MPS Custodial Facility habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Samantala, pinuri naman ni PCol Eleazar R Barber Jr., Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office (PPO), ang Morong MPS sa pangunguna ni PMaj Edzel Macasero, sa matagumpay na manhunt operation upang matiyak na ang mga wanted person na may kinakaharap na kaso ay mananagot sa batas.
Muling binibigyang-diin ng Rizal PPO ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na operasyon laban sa mga wanted person bilang bahagi ng kanilang kampanya upang tiyakin at panatilihin ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng bawat mamamayan alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/19HSq2FKx3/?mibextid=wwXIfr

