“Operation Break the Chain” laban sa mga scam hub sa Metro Manila, inilunsad ng NCRPO

0
467

Inilunsad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng liderato ni PBGen Christopher N Abrahano, Officer-In-Charge, ang isang kampanyang isasagawa sa limang police district sa ilalim ng pangalang “Operation: Break the Chain” upang buwagin ang mga scam hub sa Metro Manila. Nakatuon ang operasyon hindi lamang sa mga nagpapatakbo ng mga ito kundi pati na rin sa mga indibidwal, ari-arian, pinansyal na network, at sistemang logistikal na sumusuporta at nagpapalawig sa kanilang operasyon.

Nabatid na inatasan ni PBGen Abrahano ang lahat ng limang police district na paigtingin ang kanilang mga hakbang sa pagtukoy at beripikasyon sa mga hinihinalang establisimyentong ginagamit bilang scam hub, gayundin ang pagsisiyasat sa mga taong nasa likod ng mga ilegal na aktibidad na ito.

Kasunod ito ng pagsalakay ng pulisya sa isang hinihinalang scam hub sa Pasay City na nagresulta sa pagsagip sa 159 na dayuhang indibidwal na umano’y sangkot sa operasyon. Karamihan sa mga sinasabing nabiktima ay mga Vietnamese at Indonesian national.

Kinilala naman ang isang Chinese national at dalawang Malaysian national bilang mga hinihinalang utak sa likod ng ilegal na operasyon. Sinisiyasat din ng mga awtoridad ang posibleng kaugnayan ng mga naturang indibidwal sa ipinagbawal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Iniutos din ni PBGen. Abrahano sa mga yunit ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang masubaybayan ang mga kahina-hinalang transaksiyong pinansyal, beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga korporasyon, at matukoy ang posibleng ugnayan ng mga establisimyentong hinihinalang ginagamit bilang tagong operasyon ng mga ilegal na gawain.

“We will not stop at the people found inside these establishments. We want to identify the individuals financing these operations, recruiting foreign nationals, providing the properties, and facilitating the movement of money and other resources. Our objective is to dismantle the entire criminal network, not just apprehend those working on the ground” (Hindi tayo titigil sa mga taong matagpuan sa loob ng mga establisimyentong ito. Nais nating matukoy ang mga indibidwal na nagbibigay-pinansiya sa mga operasyong ito, nangangalap ng mga dayuhang mamamayan, nagpapagamit ng mga ari-arian, at nagpapadali sa paglilipat ng pera at iba pang kagamitan. Layunin nating buwagin ang buong kriminal na network at hindi lamang arestuhin ang mga taong direktang nagsasagawa ng operasyon), pahayag niya.

Sa pamamagitan ng “Operation Break the Chain”, layunin ng NCRPO na higit pang paigtingin ang kampanya laban sa mga organisadong krimeng gumagamit ng teknolohiya at internet sa pamamagitan ng pagtugis hindi lamang sa mga direktang sangkot kundi pati na rin sa mga network na nagpapatakbo, sumusuporta, at kumikita mula sa mga ilegal na operasyong ito.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1F9dUqSRBL/

Leave a Reply