Halos 20,000 security personnel at force multipliers, itinalaga para sa seguridad ng

0
67

“UNDAS 2026” sa Region 8

Bilang paghahanda sa ligtas at maayos na paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day, nagtalaga ang Police Regional Office 8 (PRO8), sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Romano V Cardiño, Regional Director, ng kabuuang 19,972 PNP personnel, kasama ang mga force multipliers, at personnel mula sa iba pang mga partner agencies sa Eastern Visayas para sa Undas 2026 simula October 31 hanggang November 3, 2026.

Nauna nang isinailalim sa Full Alert Status ang buong hanay ng PRO 8 simula alas 12:01 ng madaling araw ng October 30, 2026 hanggang alas 12:01 ng madaling araw ng November 3, 2026, para sa buong puwersang paghahanda ng hanay hanggang sa matapos ang selebrasyon ng “Undas 2026.”

Aabot naman sa kabuuang 5,827 PNP personnel mula sa PRO 8 ang kasama sa itatalaga sa mga pangunahing sementeryo sa rehiyon kung saan binubuo ng 385 personnel mula sa Regional Headquarters; 1,185 mula sa Leyte Police Provincial Office (PPO), 678 mula sa Southern Leyte PPO, 338 mula sa Biliran PPO, 634 mula naman sa Samar PPO, 697 mula sa Eastern Samar PPO, 833 mula sa Northern Samar PPO, 499 mula naman sa Ormoc City Police Office (OCPO), at 578 mula ss Tacloban City Police Office (CPO).

Itinalaga ang nasabing mga tauhan sa 326 public at private cemeteries at 11 memorial parks sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Nagtalaga na rin ng tinatayang 343 Police Assistance Desks (PADs) na tatauhan ng nasa 2,165 personnel para magbigay ng public assistance at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Aabot naman sa 409 personnel ang itatalaga sa mga places of worship, 549 naman sa mga major thoroughfares, 309 sa iba’t ibang mga transportation hubs, at 265 naman sa mga tourist destinations. Mayroon namang karagdagang 697 personnel ang itatalaga para sa mga mobile patrols at 1,433 para sa checkpoint operations.

Bilang suporta sa nasabing mga PNP personnel, aabot naman sa 2,193 personnel mula sa mga partner agencies, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP), kasama ng 11,952 mga force multipliers gaya ng mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), local government units (LGUs), at traffic enforcement teams, ang ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

“Ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng Undas ay nangangailangan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng ating mga kapulisan, mga katuwang na ahensiya, at ng buong komunidad. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at patuloy na koordinasyon, masisiguro natin ang kaligtasan ng publiko at ang maayos na paggunita sa Undas 2026,” pahayag pa ni PBGen Romano V Cardiño, Regional Director ng PRO8.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1J3yi64ZRy/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply