Php256K halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo, narekober ng PRO12 sa Lebak, Sultan Kudarat

0
387

Narekober ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 (PRO12) ang 300 ream ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa baybayin ng Purok Sugpo, Brgy. Tibpuan, Lebak, Sultan Kudarat dakong 1:10 ng madaling araw noong Oktubre 28, 2026.

Isinagawa ang pagresponde ng Lebak Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit at RID 12 Tracker Team Delta, kasunod ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa mga hinihinalang ipinuslit na sigarilyong iniwan sa nasabing lugar.

Agad na nagtungo ang mga pulis sa lugar upang beripikahin ang impormasyon, kung saan nadiskubre ang mga sigarilyo. Gayunman, walang natagpuang indibidwal na may hawak o umaangking may-ari ng mga nakuhang produkto.

Binubuo ang mga nakumpiskang produkto ng 300 ream ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyong tatak Fort, na may tinatayang kabuuang halaga na Php256,704.

Binigyang-diin ni PBGen Alan B. Manibog, Regional Director ng PRO12, ang mahalagang papel ng publiko sa pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa smuggling.

“Malaking tulong ang agarang pag-uulat ng ating mga mamamayan sa pagtugon sa mga posibleng kaso ng smuggling. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang maipatupad ang batas at mapigilan ang ilegal na kalakalan,” ani RD Manibog.

Source link: https://www.facebook.com/share/p/1cEKyYiRQV/

Leave a Reply