Mahigit 13,000 pulis at force multipliers, itinalaga ng PRO3 para sa ligtas na “Undas 2026”

0
455

Nagtalaga ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng kabuuang 13,497 na kapulisan, augmentation personnel, advocacy groups, at force multipliers sa buong Central Luzon upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na paggunita ng Undas 2026. Saklaw ng paghahandang pangseguridad ang 688 mga libingan sa buong rehiyon, kabilang ang 501 sementeryo, 175 memorial parks, at 12 columbarium.

Mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, 2026, magde-deploy ang PRO3 ng 7,991 pulis, kung saan 2,802 ang magbabantay sa mga sementeryo at iba pang lugar ng libingan, habang 5,189 ang magsasagawa ng iba pang tungkulin para sa seguridad at kaligtasan ng publiko. Karagdagang suporta rito ang 857 augmentation personnel mula sa iba pang ahensiya at 4,649 na miyembro ng advocacy groups at force multipliers.

Nagtatag din ang PRO3 ng 614 Police Assistance Desks (PADs) sa mga estratehikong lugar upang magbigay ng impormasyon, agarang tulong, at tugon sa mga pangangailangan ng publiko. Pinalakas din ang police visibility sa mga pangunahing lansangan at expressway, kabilang ang North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), upang matulungan ang mga biyahero sa inaasahang pagdami ng mga motorista sa panahon ng Undas.

Ayon kay PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO3, layunin ng deployment na matiyak ang seguridad sa mga sementeryo, memorial park, pangunahing kalsada, terminal, at iba pang lugar na dinaragsa ng publiko. Aniya, “Our personnel will be visible where the public needs them most. Our priority is to keep people safe and make police assistance readily available throughout the observance of Undas” (Makikita ang aming mga tauhan sa mga lugar kung saan higit na kailangan ng publiko ang kanilang presensya. Pangunahing prayoridad namin ang kaligtasan ng bawat isa at ang pagtitiyak na madaling malalapitan ang kapulisan para sa tulong sa buong panahon ng paggunita ng Undas).

Hinikayat ni PBGen Mendez ang mga mamamayan na tiyakin ang seguridad ng kanilang mga tahanan bago bumiyahe, planuhin ang kanilang mga biyahe, sumunod sa mga alituntunin sa trapiko at sementeryo, at bantayan ang mga bata at personal na gamit. Pinayuhan din ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain o insidenteng nangangailangan ng tulong.

Bahagi ang mga paghahandang ito ng pagpapatupad ng PNP Focused Agenda, na nagbibigay-diin sa pinaigting na police visibility at mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan. Sa patuloy na pagbabantay at pakikipagtulungan ng mga awtoridad at komunidad, isinusulong ng PRO3 ang isang ligtas at maayos na paggunita ng Undas 2026, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO3 (https://www.facebook.com/share/p/1DTw6sWQ4s/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply