Inaresto ng mga tauhan ng Police Station 3 ng Naga City Police Office ang isang 38-anyos na babae na kabilang sa listahan ng Most Wanted Person sa Enhanced e-Warrant System noong Oktubre 29, 2026.
Isinagawa ang pag-aresto sa Brgy. San Felipe, Naga City, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng batas ng kapulisan at ng pagtugis sa mga indibidwal na may kinakaharap na mga kasong kriminal.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong qualified theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa falsification of commercial documents sa ilalim ng Articles 172 at 48 ng nasabing batas. Ang mga probisyon ay inamiyendahan ng Republic Act No. 10951.
Tinatayang umabot sa kabuuang 153 kaso ang kinakaharap ng akusado, na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng Php4,840,000.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Sumailalim din ang suspek sa booking at legal na dokumentasyon bago dinala sa Police Station 3 para sa kaukulang disposisyon at sa pagsusuring medikal sa Naga City General Hospital.
Sa kasalukuyan, nananatili siya sa kustodiya ng pulisya habang isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa kanyang kaukulang disposisyon, alinsunod sa umiiral na batas at mga itinakdang proseso.
Buo naman ang hangarin ng Police Regional Office 5 na patuloy na paiigtingin ang parehong mga kampanya upang mapanatili ang kaligtasan ng mga residente, maging ang kaayusan ng buong Bicol Region alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

