Arestado ang tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Municipal Drug Enforcement Team ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS) dakong 12:03 ng tanghali noong Setyembre 29, 2026 sa Brgy. San Isidro, Rodríguez, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Daniel, 22 anyos; alyas Ronski, 27 anyos; at alyas Mar, 34 anyos na pawang mga residente ng Rodriguez, Rizal.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon sa ilalim ng koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency, kung saan umano’y nagbebenta ang mga naarestong indibidwal ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer.
Nasamsam sa operasyon ang walong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 56.94 gramo at tinatayang Standard Drug Price na Php387,192.
Narekober din ang ilang buy-bust money, Php500 bill, dalawang coin purse, isang belt bag, isang kalibre .45 na baril, isang magazine, at tatlong bala ng kalibre .45.
Nahaharap ang tatlong suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na droga at paglabag sa batas hinggil sa baril at bala.
Matapos ang operasyon, ipinaalam sa mga naaresto ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at kasalukuyang nasa custodial facility ng Rodriguez MPS para sa dokumentasyon at disposisyon.
Aasahan naman ng publiko na magpapatuloy ang parehong mga operasyon ng Rizal Police Provincial Office (PPO) sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Rizal alinsunod sa PNP Focused Agenda at sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
“Walang puwang ang ilegal na droga sa lalawigan ng Rizal. Patuloy nating paiigtingin ang kampanya laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at walang sinumang kriminal ang makapagtatago sa batas,” giit pa ni Police Colonel Eleazar R Barber Jr., Provincial Director ng Rizal PPO.
Source: https://www.facebook.com/share/p/19cx3r3npF/?mibextid=wwXIfr

