Patuloy ang isinasagawang operasyon ng Police Regional Office 6 (PRO6) laban sa ilegal na droga at mga wanted person, na nagresulta sa pagkakarekober ng humigit-kumulang 580 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php3.944 milyon at pagkakaaresto sa apat na wanted person sa loob ng 24 oras na operasyon simula Setyembre 29 hanggang 30, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randulf T. Tuaño, Regional Director ng PRO6, nakapagsagawa ang mga yunit ng kapulisam sa rehiyon ng limang operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa 12 indibidwal at pagkakarekober ng hinihinalang shabu.
Sa isang operasyon sa Estancia, Iloilo, walong indibidwal ang naaresto at humigit-kumulang 495 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng PhpP3.366 milyon ang nakumpiska. Isinagawa ang operasyon ng Police Drug Enforcement Unit ng Iloilo Police Provincial Office.
Sa Pilar, Capiz, isang wanted person naman ang naaresto sa pagpapatupad ng mga search warrant kaugnay ng paglabag umano sa Republic Act 10591 at Republic Act 9165. Nakarekober dito ang humigit-kumulang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php408,000 at isang small arm.
Samantala, apat na wanted person ang na-account sa magkakahiwalay na operasyon sa Iloilo. Kabilang dito ang Rank 9 City-Level Most Wanted Person na wanted sa kasong homicide at Rank 1 Municipal-Level Most Wanted Person na wanted sa kasong acts of lasciviousness in relation to Republic Act 7610.
Na-account din sa Carles, Iloilo ang isang menor de edad na kinilalang “Kalib,” na itinalaga bilang Rank 6 Municipal-Level Most Wanted Persons sa kasong homicide. Ang kanyang kaso ay hahawakan alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan para sa mga menor de edad na nasasangkot sa kaso.
Ayon kay PBGen Tuaño, ipinapakita ng mga accomplishment na ito ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na police operations, lalo na kapag suportado ng komunidad at mayroong maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga police unit.
“Patuloy nating pinagtutuunan ng pansin ang mga operasyon at sinisiguro nating maayos ang bawat hakbang. Bawat kaso na naaaksyunan natin ay isang pagkakataon para maiwasan ang karagdagang pinsala at mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad. Kasabay nito, nananatili tayong nakatuon sa tamang proseso at paggalang sa karapatan ng bawat taong sangkot,” ani PBGen Tuaño.
Hinimok naman niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na magbigay ng impormasyon tungkol sa ilegal na droga at mga wanted person sa pinakamalapit na police station o sa iba pang opisyal na police channels.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1Cfkd4amvL/?mibextid=wwXIfr

