Aktibong nagsagawa ang mga tauhan ng Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang Cataingan Municipal Police Station (MPS), ng isang Community Outreach Program kung saan tampok ang isang “Feeding Activity” para sa mga batang mag-aaral ng Quezon Day Care Center, Brgy. Quezon, Cataingan, Masbate nitong Setyembre 21, 2026.
Layon ng aktibidad na makatulong sa pagsusulong ng wastong nutrisyon at kalusugan ng mga bata, gayundin ang maiparamdam sa kanila na ang kapulisan ay hindi lamang katuwang sa pagpapanatili ng seguridad, kundi isang institusyong may malasakit sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Ang inisyatibong ito ay nakaangkla sa PNP Focused Agenda patikular na sa Community Support, na nagbibigay-diin sa pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng mga serbisyong tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan. Sa ganitong paraan, higit na naisasabuhay ang isang community-centered police service na nakikinig, nakikibahagi, at kumikilos kasama ang komunidad.
Sa pamamagitan ng ganitong mga simpleng hakbang, patuloy na pinatitibay ng Police Regional Office 5 (PRO5) sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director, ang tiwala at pakikipagtulungan ng komunidad. Ang bawat ngiti ng mga bata, bawat kamay na inaabot, at bawat serbisyong naihahatid ay nagsisilbing tulay tungo sa isang mas matatag na ugnayan ng kapulisan at mamamayan.
Kasabay ng pagpapatupad ng batas at pagtiyak ng kapayapaan ng mga komunidad sa Bicol Region, sinisiguro rin ng PRO5 ang pagsasagawa ng mga programa na magpapatibay sa ugnayan sa komunidad bilang katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/1F5yqsC8hY/?mibextid=wwXIfr

