Dalawang suspek, arestado ng PRO12; baril at bala, nasamsam sa Tantangan, South Cotabato

0
30
Screenshot

Agad naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 (PRO12) ang dalawang indibidwal matapos umanong makuhanan ang isa sa kanila ng isang baril at mga bala dakong ala 1:35 ng umaga, noong Setyembre 18, 2026.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Kiro,” 30 anyos, at alyas “Odong,” 21 anyos, kapwa residente ng Lutayan, Sultan Kudarat.

Ayon sa inisyal na ulat, nagsasagawa umano ng regular patrol at police visibility ang mga tauhan ng kapulisan nang mapansin nila ang dalawang kahina-hinalang indibidwal na sakay ng isang motorsiklo. Nang lapitan umano ng mga pulis, bigla umanong bumunot ng baril si alyas “Kiro,” dahilan upang agad silang arestuhin.

Narekober mula kay alyas “Kiro” ang isang Colt caliber .45 pistol na may isang bala sa chamber, isang steel magazine na naglalaman ng apat na bala, at tatlong karagdagang bala. Narekober naman kay alyas “Odong” ang dalawang bala ng caliber .45.

Nasa kustodiya na ng Tantangan Municipal Police Station ang dalawang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pinuri naman ni PBGen Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang mga tauhan ng Tantangan MPS sa kanilang maagap na pagresponde, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Aniya, “Ang mabilis na pagtugon at pagiging mapagmatyag ng ating mga pulis ay mahalaga upang maagapan ang anumang banta sa seguridad. Patuloy nating palalakasin ang police presence upang mapanatili ang kaligtasan at katahimikan ng ating mga komunidad.”

Leave a Reply