Regional Most Wanted Person sa kasong murder, arestado ng PRO4A sa Tiaong, Quezon

0
32

Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division 4A Special Team, Regional Intelligence Team Laguna, Tiaong Municipal Police Station, Provincial Intelligence Units ng Quezon at Laguna, at San Pablo City Police Station ang isang Regional Most Wanted Person na nahaharap sa kasong murder sa isinagawang law enforcement operation sa Brgy. San Pedro, Tiaong, Quezon, dakong alas 1:20 ng hapon noong Setyembre 16, 2026.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Edwin,” 44, livestock/farm caretaker at residente ng Sitio Banginan, Brgy. San Pedro, Tiaong, Quezon. Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni PBGen Dominic L. Baccay, Regional Director ng Police Regional Office 4A, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person at lawless elements sa CALABARZON.

Nasakote si alyas “Edwin” sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong murder na inilabas ng Regional Trial Court Branch 29, San Pablo City, Laguna, noong Hulyo 10, 2024, na walang inirekomendang piyansa. Naging susi sa kanyang pagkakaaresto ang tuloy-tuloy na intelligence gathering, masusing validation, at pakikipag-ugnayan sa isang confidential informant at concerned citizens na nagbigay ng mahalagang impormasyon sa kanyang kinaroroonan.

Batay sa intelligence research, monitoring, at validation ng mga awtoridad, iniulat na kabilang ang suspek sa mga natitirang miyembro ng Paz Gun-for-Hire Group, na nakalista bilang dismantled criminal group noong 2016 at iniulat na kumikilos sa Laguna at Quezon. Gayunman, ang impormasyon hinggil sa sinasabing pagkakaugnay niya sa naturang grupo ay patuloy na isinasailalim sa intelligence monitoring at validation ng mga awtoridad.

Binigyang-diin ni PBGen Baccay ang kahalagahan ng pinaigting na intelligence operations at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at komunidad upang matukoy at maaresto ang mga wanted persons at mapanatili ang seguridad sa buong CALABARZON. “Ang tuluyang pagkakaaresto sa miyembro ng gun-for-hire group ay patunay ng ating matatag na kampanya laban sa mga wanted persons at lawless elements. Patuloy nating paiigtingin ang intelligence operations at koordinasyon sa ating mga katuwang at komunidad upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kaligtasan sa buong CALABARZON,” Ayon kay PBGen Baccay.

Nasa kustodiya na ng Tiaong MPS ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng mga proseso ng korte. Patuloy ang ginagawang mga hakbang ng PNP upang mapanatili ang ligtas at maayos na komunidad, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO 4A (https://www.facebook.com/share/v/1CphEgg6K2/)

Leave a Reply