Php2.6M halaga ng hinihinalang shabu nakumpiska; 4 na suspek, arestado sa drug buy-bust operations ng PRO6

0
23
Screenshot

Mahigit Php2.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam habang apat na drug personalities, ang naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Pototan, Iloilo noong Setyembre 16, 2026.

Umabot sa humigit-kumulang 385 gramo ang kabuuang narekober na hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na Php2,618,000.00 mula sa mga suspek.

Unang isinagawa ang operasyon dakong alas 12:05 ng tanghali sa Brgy. Rumbang, Pototan, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Pluto,” 35 anyos, isang HVI at residente ng Pototan. Nasamsam mula sa kanya ang humigit-kumulang 235 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na Php1,598,000.00, kabilang ang buy-bust item at iba pang sachets ng hinihinalang ilegal na droga.

Sinundan ito ng isa pang operasyon dakong alas 6:15 ng gabi sa Brgy. Igang, Pototan, kung saan naaresto sina alyas “Ruth,” 25-anyos, HVI; “Bedik,” 36-anyos, Street Level Individual (SLI); at “Bobot,” 42-anyos, SLI. Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na Php1,020,000.00, kasama ang iba pang non-drug items.

Kapwa isinagawa ang mga operasyon matapos ang tuloy-tuloy na intelligence monitoring, target validation, surveillance, information development, at koordinasyon ng mga intelligence at operating units ng Provincial Drug Enforcement Unit Teams 1 at 2  at Pototan Municipal Police Station alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay PBGen Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, ipinapakita ng resulta ng dalawang operasyon ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na intelligence work, maayos na koordinasyon, at maagap na police action sa kampanya laban sa ilegal na droga.

“Hindi lamang ito tungkol sa dami ng nasamsam o bilang ng mga naaresto. Sa bawat matagumpay na operasyon, nababawasan ang ilegal na droga sa ating mga komunidad at mas napoprotektahan natin ang mga pamilya, lalo na ang ating mga kabataan, mula sa masamang epekto nito,” ani PBGen Tuaño.

Hinikayat naman ng PRO6 ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan at agad na ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa Unified 911 ang anumang impormasyon kaugnay ng ilegal na droga at iba pang gawaing labag sa batas.

Source: https://www.facebook.com/share/p/18LCysMQpw/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply