Pormal nang nanumpa sa kanilang tungkulin ang 938 bagong Patrolmen at Patrolwomen ng National Support Units (NSUs) ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang Oath-Taking Ceremony noong Setyembre 16, 2026 sa PNP Transformational Oval, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City. Ang makabuluhang aktibidad ay pinangunahan ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief.
Isinagawa rin ang kaparehong seremonya sa buong bansa sa pangunguna ng mga Police Regional Office (PRO) para sa kanilang mga bagong recruit. Sa kabuuan, 5,811 bagong recruits ang nakatakdang pumasok sa hanay ng PNP mula sa iba’t ibang PRO, dahilan upang umabot sa 6,749 ang kabuuang bilang ng mga bagong tauhan sa ilalim ng CY 2026 recruitment program.
Sa pagsisimula ng kanilang karera sa serbisyo publiko, pinaalalahanan ang mga bagong PNP personnel na ang pagsusuot ng uniporme ay kaakibat ng malaking responsibilidad at nangangailangan ng disiplina, integridad, at dedikasyon sa paglilingkod. Inaasahan silang manindigan sa kanilang sinumpaang tungkulin at isabuhay ang mga pagpapahalagang gagabay sa kanila sa bawat assignment at hamon sa serbisyo.
Sa pagdagdag ng mga bagong tauhan, patuloy na pinatitibay ng PNP ang kakayahan nitong tumugon sa pangangailangan ng publiko at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga komunidad. Sa kanilang panunumpa, inaasahang magiging bahagi ang mga bagong Patrolmen at Patrolwomen sa pagsusulong ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1DNhQXkWVn/?mibextid=wwXIfr)

