PNP, puspusan ang pagbabantay sa seguridad para sa mapayapang BARMM PE 2026

0
149

Puspusan ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP sa seguridad ng buong rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagsisimula ng unang BARMM Parliamentary Elections (PE) 2026 ngayong araw, September 14, 2026.

Nito lamang alas 8:00 ng umaga, aabot na sa 1,045 o 88.11% ng kabuuang 1,186 voting centers sa rehiyon ang pormal ng nagbukas.

Tinatayang nasa 2,393,202 registered voters ang inaasahang boboto sa 14,605 established precincts at 5,212 clustered precincts. Nauna nang isinagawa ang Final testing at sealing ng mga balota sa 1,186 voting centers sa rehiyon noong September 13, 2026.

Samantala, nakabantay naman ang PNP sa 93 identified Election Areas of Concern sa iba’t ibang bahagi ng BARMM, kabilang na ang 27 areas na itinalaga bilang red category, kung saan mas pinaigting ng PNP ang kanilang presensya, monitoring, at koordinasyon sa iba pang mga security agency sa lugar.

Base sa pinakabagong datos, dalawang lugar na ang isinailalim sa kontrol ng COMELEC kasunod ng iniulat na election-related incidents. Ito ang Cotabato City at Maluso, Basilan, kung saan iniulat ang pre-shading ng mga ballot na nakaapekto sa 18 polling centers.

Nauna ng isinailalim sa Full Alert Status ang lahat ng mga yunit ng pulisya sa Police Regional Office BAR simula noong alas 12:01 ng madaling araw ng July 16, 2026 hanggang alas 11:59 ng gabi ng September 30, 2026.

“This is an important day for the Bangsamoro people, and our role is very clear: help create an environment where every qualified voter can exercise the right to vote safely and peacefully. We are there to assist, to secure, and to respond when needed. Gawin natin ang trabaho natin nang mahinahon, patas, at may respeto sa bawat isa” (Mahalagang araw ito para sa mga mamamayan ng Bangsamoro, at malinaw ang ating papel: tumulong sa pagkakaroon ng kapaligirang ligtas at mapayapa para sa pagsasagawa ng bawat kwalipikadong botante ng kanilang karapatang bumoto. Narito tayo upang tumulong, magbigay ng seguridad, at tumugon kung kinakailangan. Isagawa natin ang ating tungkulin nang mahinahon, patas, at may paggalang sa isa’t isa), ani PGen Nartatez.

Pinaaalalahanan din ni niya ang lahat ng mga tauhan na manatiling patas, propesyonal at may respeto sa lahat ng mga karapatan ng mamamayan, kandidato, election workers maging sa lahat ng mga stakeholders na katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa nasabing halalan.

Alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” patuloy na nakiiagtulungan ang Pambansang Pulisya sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, at sa mga local government units, upang agad mabigyan ng aksyon ang lahat ng mga election-related concerns at mapanatili ang kaligtasan ng publiko hanggang sa matapos ang eleksyon.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CnYyjLNYv/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply