Php1.7M halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo, nakumpiska sa PNP Checkpoint; Suspek, arestado

0
33

Arestado ang isang suspek matapos masamsam ng mga awtoridad ang 2,000 ream ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php1,711,360 sa isinagawang PNP checkpoint sa Brgy. San Mateo, Aleosan, Cotabato, noong Agosto 29, 2026..

Napag-alaman na nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Aleosan Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Cotabato Police Provincial Office, Regional Intelligence Division 12 (RID 12), at STT Echo nang naharang ang isang Isuzu Elf Reefer Van Truck na kanilang pinara, subalit hindi umano ito agad huminto sa kabila ng paulit-ulit na pagsita ng mga pulis. Sa halip, pinabilis ng driver ang takbo ng sasakyan, dahilan upang magkaroon ng habulan at ma-corner ang naturang sasakyan.

Naaresto ang driver na kinilalang si alyas “Mando,” 45 anyos, na nahaharap sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ayon kay Police Brigadier General Alan Manibog, Regional Director, Police Regional Office 12, mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng batas ang mga checkpoint upang mapigilan ang smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.

“Ang bawat checkpoint ay isang paninindigan na may nagbabantay sa batas at sa kapakanan ng ating komunidad. Patuloy nating paiigtingin ang ating pagbabantay laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain, habang sinisiguro na ang bawat operasyon ng pulisya ay naaayon sa batas, may wastong proseso, at may paggalang sa karapatan ng bawat isa.” Ayon kay PDGen Manibog

Leave a Reply