Php1.3M halaga ng hinihinalang shabu at kush, nasamsam sa Sampaloc, Manila; 3 indibidwal, arestado

0
104

Tatlong indibidwal ang naaresto at mahigit Php1.3 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Sampaloc, Manila, noong Agosto 22, 2026. Isinagawa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Sampaloc Police Station dakong alas-6:00 ng umaga sa Dapitan Street, Barangay 515, Zone 51.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang siyam na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang 182 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php1,237,600. Narekober din ang dalawang vacuum-sealed packages na naglalaman ng 60 gramo ng hinihinalang Kush o hybrid marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng Php80,000, kasama ang marked buy-bust money, boodle money, at iba pang drug paraphernalia.

Agad na ipinadala sa Manila Police District Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa masusing laboratory examination. Samantala, isinailalim sa standard medico-legal procedures ang mga naarestong suspek at kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng himpilan habang hinihintay ang kaukulang proseso ng batas.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa paghahain sa City Prosecutor’s Office. Pinuri naman ni NCRPO Regional Director PMGen Anthony A. Aberin ang operating units dahil sa mabilis at maagap na pagkilos laban sa ilegal na kalakalan ng droga.

Ayon kay PMGen Aberin, patunay ang pagkakakumpiska ng mahigit Php1.3 milyon halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa patuloy na pagsisikap ng NCRPO na pigilan ang pagkalat ng narcotics sa mga komunidad. Patuloy na naninindigan ang PNP sa pagpapatupad ng makatao at makatarungang batas, kasabay ng pagsusulong ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa mas ligtas at mapayapang pamayanan.

Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1cvhdN9DsH/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply