Nakibahagi ang Quezon City Police District (QCPD) sa paggunita ng ika-130 anibersaryo ng Sigaw sa Pugad Lawin na ginanap ngayong Agosto 23, 2026, sa Dambana ng Pugad Lawin, Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City. Kinatawan ni QCPD District Director PBGen Randy Glenn G. Silvio si PCol Joel A. Villanueva, DDDA, sa makabuluhang seremonya bilang pagpupugay sa mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon, kasama ang mga kinatawan ng National Historical Commission (NHIC) of the Philippines, Quezon City Schools Division, Barangay Bahay Toro, mga civic organization, mga kaapu-apuhan ng mga bayaning Pilipino, at iba pang stakeholders. Nagbigay ng karagdagang karangalan at solemnidad sa pagdiriwang ang 21-gun salute na isinagawa ng mga tauhan ng QCPD bilang marangal na pagpupugay sa mga bayaning lumaban para sa kalayaan at nagsilbing inspirasyon sa bansa.
Sa pakikiisa sa ganitong makasaysayang paggunita, ipinakita ng QCPD ang patuloy na pagpapahalaga ng PNP sa kabayanihan, pagmamahal sa bayan, at pagkakaisa ng mga Pilipino. Kaakibat nito ang paninindigan ng PNP na isabuhay ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa isang ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan.
Source: QCPD (https://www.facebook.com/share/p/1986yDMfRi/?mibextid=wwXIfr)



