Narekober ng Police Regional Office Negros Island Region, sa pamamagitan ng Negros Occidental Police Provincial Office (PRO NIR), ang humigit-kumulang 1,100 reams ng mga kontrabandong sigarilyo na may estimated value na Php594,000 sa inabandunang panel truck sa Kabankalan City, Negros Occidental nito lamang August 20, 2026.
Dakong alas 2:30 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang Provincial Intelligence Unit ng NOCPPO, kaugnay sa naturang sasakyan na nakaparking umano sa Sitio Tapol, Brgy. Salong, Kabankalan City sa loob ng mahigit limang araw.
Agad namang nag-responde ang mga PIU operative katuwang ang Kabankalan CCPS kung saan nadiskubre ang isang abandonadong Mitsubishi panel truck na may kargang ilegal na mga sigarilyo. Wala namang driver na nahuli sa akto. Kabilang sa narekober ng kapulisan ang 22 master cases ng ilegal na sigarilyo na naglalaman ng 50 reams.
Bahagi ang operasyon sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” agad isinailalim sa kustodiya ng Kabankalan CCPS ang nasabing mga kontrabando bago pa man ito i-turn over sa nararapat na ahensya ng pamahalaan.
“We remain relentless in disrupting the movement of illicit goods. Every successful recovery protects legitimate businesses, safeguards government revenues, and reinforces our commitment to a safer and more secure Negros Island Region” (Nanatili tayong walang humpay sa pagpigil sa paggalaw ng mga ilegal na produkto. Bawat matagumpay na pagkakarekober ay nagpoprotekta sa mga lehitimong negosyo, nangangalaga sa kita ng pamahalaan, at nagpapatibay sa ating pangako para sa mas ligtas at mas seguridad na Negros Island Region), pahayag pa ni PBGen Romano V Cardiño, Regional Director ng PRO NIR.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1HFjyaoXS6/?mibextid=wwXIfr



