Arestado ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 sa pamamagitan ng Calabanga Municipal Police Station, katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company/Revitalized Pulis sa Barangay, ang isang lalaki, 24 anyos na kabilang sa listahan ng Most Wanted Person ng Camarines Sur sa isinagawang operasyon noong Agosto 19, 2026 sa Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na may alyas na “Josh,” tubong Calabanga, at Rank 1 Provincial Most Wanted Person ng Camarines Sur Police Provincial Office.
Naaresto ang suspek dakong alas 8:10 ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na may kaugnayan sa walong bilang ng acts of lasciviousness, dalawang bilang ng qualified rape, at dalawang bilang ng lascivious conduct.
Matapos ipatupad ang warrant, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan bago siya dinala sa Rural Health Unit ng Calabanga para sa kaukulang medical examination. Pagkatapos ng pagsusuri, dinala ang suspek sa Calabanga MPS para sa dokumentasyon, booking procedures, at iba pang kaukulang disposisyon alinsunod sa umiiral na batas at proseso.
Ang pagkakaaresto sa kanya ay bunga ng tuloy-tuloy na intelligence operations, masusing monitoring, at pinaigting na koordinasyon ng mga kapulisan sa rehiyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director ng PRO5, mariing ipinapahayag ng himpilan na hindi nito kukunsintihin o palalampasin ang anumang uri ng sexual abuse, exploitation, at karahasang sekswal.
Tiniyak naman ng PRO5 na mas palalawakin pa nila ang mga intelligence-driven at coordinated police operations laban sa mga indibidwal na sangkot sa ganitong uri ng krimen, lalo na ang mga gumagawa ng karahasan laban sa kababaihan at mga kabataan bilang bahagi sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1G3aLU8UHU/



