Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang isang Provincial Most Wanted Person ng Quezon Province, sa bisa ng warrant of arrest sa isinagawang operasyon noong Agosto 19, 2026 sa Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Tino,” 22 anyos, at residente ng Domoit, Lucena City, Quezon.
Isinagawa ang operasyon ng Daet Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang mga tauhan ng Lucena Component City Police Station, Quezon PPO, PRO 4A, matapos ang koordinasyon at pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong dalawang bilang ng Statutory Rape, na walang inirekomendang piyansa, at Acts of Lasciviousness, na may inirekomendang piyansa na Php180,000.00.
Matapos ang matagumpay na operasyon, isinailalim sa kustodiya ng Tracker Team ng Lucena Component City Police Station ang naarestong indibidwal at dinala sa Lucena Component City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng patuloy na pagtutulungan at koordinasyon ng mga kapulisan mula sa iba’t ibang Police Regional Offices upang matiyak na ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso ay mananagot sa batas.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, PRO5, tuloy-tuloy ang PRO5 sa pagpapatupad ng kanilang mga operasyon laban sa mga wanted persons at iba pang indibidwal na may kinakaharap na kaso, alinsunod sa batas at sa PNP Focused Agenda na naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/19YarPFJDa/



