Mahigit 2.66 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php18,095,480.00 ang nakumpiska habang 76 drug personalities ang naaresto sa 63 anti-illegal drug operations ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa Western Visayas mula Agosto 1 hanggang 15, 2026.
Sa mga naaresto, 24 ang High-Value Individuals (HVIs), habang 52 ang Street-Level Individuals (SLIs). Bukod sa shabu, nakumpiska rin ang humigit-kumulang 14 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng Php1,680.00.
Nanguna ang Iloilo City Police Office (ICPO) sa bilang ng mga operasyon na may 27, sinundan ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO) na may 17. Nagsagawa rin ng mga operasyon ang Aklan, Antique, Capiz, at Guimaras Police Provincial Offices, gayundin ang Regional Drug Enforcement Unit 6 (RDEU6).
Sa halaga ng mga nasamsam na ilegal na droga, nanguna ang IPPO na may PhP10.7 milyon, sinundan ng ICPO na may PhP2.79 milyon at RDEU6 na may PhP2.55 milyon.
Binigyang-diin ni PRO6 Regional Director Police Brigadier General Randulf T Tuaño na ang resulta ay nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng PRO6 sa intelligence-driven at targeted operations laban sa mga sangkot sa ilegal na droga.
“Ang pagkakasamsam ng mahigit 2.66 kilo ng hinihinalang shabu sa loob lamang ng 15 araw ay bunga ng masusing intelligence gathering at koordinasyon ng ating mga yunit. Hindi lamang natin tinutugis ang mga nagbebenta sa lansangan; tinutukoy din natin ang mga nasa likod ng kanilang operasyon at distribution networks,” ani PBGen Tuaño.
“Patuloy nating paiigtingin ang kampanya upang maputol ang daloy ng ilegal na droga at maprotektahan ang ating mga komunidad, lalo na ang kabataan, mula sa mapaminsalang epekto nito,” dagdag niya.
Patuloy ang intelligence gathering, case build-up, at follow-up operations ng PRO6 upang matukoy at mapanagot ang iba pang sangkot sa ilegal na droga sa Western Visayas bilang bahagi sa kampanya ng Pambansang Pulisya alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1G9ZBDRoQo/?mibextid=wwXIfr



