Project KALASAG, inilunsad ng Calabanga MPS sa Jose Prevosa National High School

0
23

Inilunsad ng Calabanga Municipal Police Station (MPS) ang Project KALASAG kasabay ng isinagawang school-based lecture at crime prevention advocacy activity sa Jose Prevosa National High School, Calabanga, Camarines Sur, noong hapon ng Agosto 18, 2026, bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang palakasin ang kaalaman, kamalayan, at kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa iba’t ibang banta at panganib.

Tinalakay sa isinagawang symposium ang mahahalagang usapin hinggil sa crime prevention tips, cyberbullying, bullying, drug awareness, gayundin ang mga batas at probisyon ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ipinaunawa rin sa mga mag-aaral ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Anti-Bastos Law, upang higit nilang maunawaan ang kanilang mga karapatan at pananagutan sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan at komunidad.

Kasabay ng aktibidad ang pormal na paglulunsad ng Project KALASAG, na nangangahulugang “Kaalaman sa Angkop at Ligtas na Aksyon para sa Seguridad, Aruga, at Gabay sa mga Mag-aaral.”

Layunin ng proyekto na palakasin ang kaalaman at kamalayan ng mga kabataan sa mga panganib na maaari nilang makaharap, gayundin ang pagbibigay sa kanila ng wastong gabay at impormasyon upang makaiwas sa krimen, karahasan, bullying, ilegal na droga, at iba pang banta sa kanilang kaligtasan.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 12, kasama ang mga guro at school officials. Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng kapulisan at paaralan, layunin ng Calabanga MPS na mahubog ang mga kabataang may sapat na kaalaman, disiplina, at malasakit sa kapwa, habang sama-samang itinataguyod ang isang ligtas, mapayapa, at protektadong learning environment para sa lahat.

Leave a Reply