Pinaigting ng PNP-Maritime Group ang coastal monitoring, pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units, at paghahanda sa Search, Rescue and Retrieval Operations sa mga lugar na apektado ng Southwest Monsoon o Habagat sa Northern Luzon noong Agosto 9, 2026.
Sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte, nagsagawa ng tuloy-tuloy na coastal area monitoring ang mga tauhan ng Regional Maritime Unit 1, Maritime Police Stations, at Maritime Law Enforcement Teams, upang matukoy ang mga posibleng panganib at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa baybayin. Nakipag-ugnayan din sila sa mga CDRRMO/MDRRMO at mga lokal na opisyal upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling magkaroon ng emergency o disaster-related incident.
Samantala, nagsagawa ang RMU 1 ng “Libreng Sakay” mula Dagupan City patungong Calasiao, Pangasinan, upang matulungan ang mga commuter at iba pang indibidwal na nangangailangan ng transportasyon.
Sa Ilocos Sur, patuloy ding mino-monitor ang mga evacuation center kung saan 46 na pamilya o 131 indibidwal mula Brgy. Rugsuanan, Vigan City ang kasalukuyang nananatili para sa kanilang kaligtasan.
Bilang pakikiisa sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” patuloy na nakaantabay ang mga tauhan ng PNP-MG at nakahanda ang mga Search and Rescue equipment para sa agarang deployment, habang isinasagawa ang regular na coastal patrol at pagsubaybay sa lebel ng tubig at kondisyon ng karagatan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.



