Isang concerned citizen ang boluntaryong nagsuko sa Polangui Municipal Police Station (MPS) ng tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 30 gramo at Standard Drug Price (SDP) na Php204,000.00 noong Hulyo 27, 2026.
Ayon sa ulat, nagtungo umano ang nasabing indibidwal sa himpilan ng pulisya upang ipadokumento ang insidente matapos makatanggap ang kanyang katrabaho ng isang kahina-hinalang pakete na iniwan ng isang lalaking nagpakilalang kaibigan ng kanyang kakilala mula sa Camarines Sur.
Dahil sa kahina-hinalang anyo ng pakete, binuksan ito ng tumanggap at nadiskubre ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Agad nila itong isinuko sa Polangui MPS para sa wastong dokumentasyon, pag-iingat, at kaukulang legal na disposisyon.
Isusumite ang mga nakuhang ebidensya sa Regional Forensic Unit 5 (RFU5) para sa laboratory examination.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Polangui MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng naturang pakete at ang iba pang posibleng sangkot sa tangkang pagpapadala ng iligal na droga.
Inihahanda rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang responsable sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5, ang kahalagahan ng aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa kampanya laban sa iligal na droga bilang bahagi sa layunin ng himpilan na maghatid ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Aniya, ang boluntaryong pagsuko ng mga hinihinalang kontrabando ay patunay na ang pakikiisa ng mamamayan ay mahalagang katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat komunidad sa Bicol Region.
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



