Suspek sa online sexual coercion, inaresto sa isinagawang entrapment operation ng QCPD

0
20

Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Station (PS3) ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaking suspek sa kasong online sexual coercion sa isinagawang entrapment operation bandang alas-10:00 ng umaga noong Hulyo 28, 2026 sa harap ng isang fast-food restaurant sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay Talipapa, Quezon City.

Inaresto ang suspek dahil sa kasong Grave Coercion sa ilalim ng Article 286 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na unang nagkakilala ang biktima at ang suspek sa pamamagitan ng isang online platform. Ayon sa reklamo, muling nakipag-ugnayan ang suspek sa biktima noong Hulyo 27, 2026 at umano’y nagbanta na ilalabas sa publiko ang isang pribadong video nito kung hindi siya papayag na muling makipagkita para sa pakikipagtalik. Dahil sa matinding pangamba, humingi ng tulong ang biktima sa Special Women and Children Concern Section (SWCCS) ng Talipapa Police Station, na agad namang nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang kulay abong VIVO cellular phone at isang kulay asul na REDMI cellular phone na isinailalim sa police custody bilang mga ebidensiya. Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Talipapa Police Station habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.

Binigyang-diin ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang patuloy na pangako ng NCRPO na protektahan ang mga biktima ng online harassment, cyber-enabled violence, at iba pang karahasan. Hinikayat din niya ang publiko na agad na iulat sa mga awtoridad ang mga kahalintulad na insidente upang matiyak ang maagap na aksyon at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.

Muling pinagtitibay ng Philippine National Police ang mas pinaigting nitong kampanya laban sa cyber-enabled crimes at iba pang uri ng pang-aabuso sa kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng maagap na law enforcement operations at mabilis na pagtugon sa mga sumbong ng publiko, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: NCRPO

Leave a Reply