Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month, matagumpay na isinagawa ang Outreach Program para sa limampung (50) pamilyang Agta na benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) Housing Project noong Hulyo 28, 2026 sa Brgy. Dammang Norte, Camalaniugan, Cagayan.
Pinangunahan ni Engr. Rofelie M. Balagat, Officer-in-Charge ng NHA, ang programa sa pakikipagtulungan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Camalaniugan Rural Health Unit (RHU). Naging katuwang din sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad ang mga opisyal ng Barangay Dammang Norte sa pamumuno ni Punong Barangay Angelita Aguirre, gayundin ang iba pang partner agencies at stakeholders.
Kabilang sa mga naihatid na serbisyo ang feeding activity, pamamahagi ng grocery packs, hygiene kits, kasuotan, at mga gamot, libreng medical consultation, at livelihood demonstration sa paggawa ng dishwashing liquid. Naging tampok din ang PNP-Agta Got Talent, na nagbigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng komunidad ng Agta na maipamalas ang kanilang talento at kultura.
Bilang pakikiisa sa PCR Month, nagkaloob din ang 2nd Cagayan PMFC, sa pangunguna ni PSMS Marcos D. Saquing Jr., ng mga tsinelas, kasuotan, at munting regalo para sa mga batang Agta at kanilang pamilya, habang nagbigay naman ang 2nd Cagayan PMFC Advisory Group, sa pangunguna ni Hon. Vilmer Viloria, ng 50 sako ng tig-lilimang (5) kilong bigas.
Patuloy na nakikiisa ang 2nd Cagayan PMFC sa mga programang naglalayong mapalakas ang police-community partnership sa pamamagitan ng paghahatid ng mga serbisyong may malasakit, pag-asa, at pagkalinga sa mga katutubong komunidad, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: 2nd Cagayan PMFC



