Bilang bahagi ng paghahanda para sa seguridad ng gaganaping State of the Nation Address (SONA) 2026, naglabas ng mahahalagang health reminders ang Regional Medical and Dental Unit 4A (RMDU 4A) upang matiyak ang kaligtasan, kalusugan, at kahandaan ng mga pulis na nakatalaga sa iba’t ibang deployment areas.
Sa pamamagitan ng isang information campaign, ibinahagi ni PMAJ Gonzales, Chief Medical ng RMDU 4A, ang mga pangunahing paalala upang mapanatiling nasa maayos na kondisyon ang bawat kapulisan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kabilang sa kanyang mga paalala ang tamang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang dehydration, pagkain ng sapat at masustansyang pagkain, pagkakaroon ng sapat na pahinga bago ang deployment, at agarang pagpapatingin sa medical personnel kung makararanas ng anumang sintomas ng karamdaman.
Binigyang-diin din ni PMAJ Gonzales ang kahalagahan ng pagsunod sa mga basic health protocols at pagiging mapagmatyag sa sariling kalusugan, lalo na sa gitna ng mahabang oras ng pagbabantay at pabago-bagong kondisyon ng panahon. Aniya, ang pagpapanatiling malusog ng bawat personnel ay mahalagang bahagi ng matagumpay na pagpapatupad ng seguridad sa SONA.
Sa patuloy na paggabay ng Philippine National Police sa kapakanan ng mga tauhan nito, nananatiling prayoridad ang pagbibigay ng sapat na suporta at mga paalala sa kalusugan upang matiyak na ang bawat pulis ay handa, ligtas, at epektibong makapaglilingkod sa publiko sa panahon ng SONA 2026.
Source: Pulis News Network



