Arestado ang isang truck driver matapos masamsam ng mga awtoridad ang tinatayang Php650,000 halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo sa isinagawang random checkpoint operation sa Fixed Visibility Point sa Barangay Liboo, Mlang, Cotabato, noong Hulyo 24, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Mlang Municipal Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), Regional Intelligence Division 12 (RID 12), at STT Echo.
Ayon sa pulisya, pinara ang cargo truck dahil wala itong side mirrors. Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang walang driver’s license ang drayber at hindi rin nito maipakita ang Official Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR) ng sasakyan.
Sa isinagawang masusing inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang mga karton ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na itinago sa ilalim ng kargang mga niyog sa loob ng cargo truck. Sa harap ng isang opisyal ng barangay, isinagawa ang wastong imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya, kung saan nasamsam ang kabuuang 26 na karton ng sigarilyo, binubuo ng siyam na karton ng Bosqu at 17 karton ng Bros cigarettes, na may tinatayang kabuuang halaga na Php650,000.
Agad na inaresto ang suspek at dinala sa Mlang Municipal Police Station kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, para sa kaukulang dokumentasyon. Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act na isasampa sa Office of the Provincial Prosecutor sa Kidapawan City. Samantala, ang mga nakumpiskang smuggled cigarettes ay ipapasa sa kinauukulang ahensya para sa karagdagang imbestigasyon at wastong disposisyon.



