Isinagawa ng Police Regional Office 2 ang send-off ceremony para sa 1,000 kapulisan na idineploy sa National Capital Region ngayong Hulyo 26, 2026 bilang augmentation force upang tumulong sa pagpapatupad ng seguridad para sa ligtas at mapayapang pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA).
Pinangunahan ang seremonya ng Regional Director ng PRO2, kasama ang mga miyembro ng Command Group, Regional Staff, at Chiefs ng iba’t ibang Regional Support Units. Sa kanyang mensahe, hinikayat ang mga idineploy na kapulisan na panatilihin ang disiplina, propesyonalismo, at pagkakaisa habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, kasabay ng paalala na pangalagaan ang kaligtasan ng bawat isa sa buong panahon ng kanilang misyon.
Ang PRO2 Civil Disturbance Management (CDM) Contingent ay binubuo ng kabuuang 1,000 personnel mula sa Regional Headquarters (RHQ), Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2), at iba’t ibang Police Provincial Offices (PPOs) at City Police Office (CPO) ng Police Regional Office 2 (PRO2). Ang contingent ay pinangungunahan nina PCOL George P. Cablan at PCOL Albert A. Calimag bilang Contingent Commanders.
Inaasahang makabalik sa Region 2 ang mga idineploy na kapulisan matapos ang kanilang security mission kasunod ng pagdaraos ng SONA.
Patuloy na nakahanda ang Police Regional Office 2 sa pagsuporta sa mga pambansang seguridad na operasyon at nananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng maagap, disiplinado, at propesyonal na serbisyo.
Source: Police Regional Office 2



