Matagumpay na naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Top 1 Station-Level Most Wanted Person ng Manila Police District (MPD) Police Station 2 sa isinagawang warrant operation sa Tondo, Maynila noong Hulyo 21, 2026. Ang 37-anyos na suspek ay nahaharap sa tatlong warrant of arrest kaugnay ng dalawang bilang ng Qualified Rape of a Minor at isang bilang ng Rape by Sexual Assault, na pawang inisyu ng Regional Trial Court ng Maynila noong Hulyo 17, 2026 at walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa imbestigasyon, paulit-ulit umano ang pang-aabuso ng suspek sa kanyang walong taong gulang na anak habang nasa kanyang pangangalaga sa Marilao, Bulacan. Matapos isiwalat ng bata ang sinapit nito sa kanyang ina, agad na naisampa ang mga kaukulang reklamo, na nagresulta sa paglalabas ng korte ng mga warrant of arrest. Sa pamamagitan ng masusing intelligence monitoring at mabilis na koordinasyon, natunton at naaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng MPD Police Station 2 ang suspek sa Barangay 104, Tondo.
Ayon kay Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, “The arrest of this most wanted person underscores the NCRPO’s uncompromising commitment to protecting children and bringing fugitives to justice. We will continue to intensify our manhunt operations under the Enhanced Managing Police Operations, ensuring that those who commit heinous crimes against the innocent are located, arrested, and made fully accountable before the law.”
Patuloy na pinalalakas ng NCRPO ang intelligence-driven operations at mahigpit na pagpapatupad ng mga warrant of arrest upang matiyak na ang mga akusado ay maihaharap sa hukuman at managot sa batas. Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa PNP Focused Agenda at sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: NCRPO



