Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP), katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensya ng pamahalaan, upang tiyakin ang maayos at ligtas na pagdaraos ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026. Kaugnay nito, pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue, IBP Road, at iba pang pangunahing lansangan na nakapaligid sa House of Representatives sa Quezon City.
Ayon sa MMDA, ang mga motorista na patungong Fairview mula sa Quezon Memorial Circle ay maaaring dumaan sa North Avenue, Mindanao Avenue, Sauyo Road, o Quirino Highway. Samantala, ang mga biyaheng mula Fairview patungong Quezon Memorial Circle ay pinapayuhang gamitin ang Sauyo Road o Quirino Highway patungong Mindanao Avenue at North Avenue. Naglatag din ang ahensya ng hiwalay na alternatibong ruta para sa mga truck at light vehicles upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing kalsada.
Bilang bahagi ng traffic management plan, magpapakalat ang MMDA ng 1,481 traffic personnel mula sa iba’t ibang traffic enforcement districts at mahigpit na ipatutupad ang “no day-off, no absent” policy para sa mga field personnel. Magkakaroon din ng sapat na kagamitan tulad ng mga tow truck, ambulansya, mobile patrol units, motorsiklo, boom truck, dump truck, portalets, at iba’t ibang traffic barriers upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente.
Magde-deploy din ang MMDA ng Mobile Command Center, 15 CCTV cameras, at mga monitoring equipment upang masubaybayan ang sitwasyon sa paligid ng Batasan Complex. Nakaantabay rin ang MMDA Emergency Preparedness and Response Team, habang ang Communication and Command Center sa Pasig City ay magsasagawa ng 24-oras na pagmamanman gamit ang CCTV at radio communications sa buong panahon ng SONA.
Katuwang ng MMDA, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP at iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang seguridad, kaayusan, at maayos na daloy ng trapiko sa buong Metro Manila.
Muling hinihikayat ng PNP ang publiko na makiisa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga traffic advisory at pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang maging maayos at mapayapa ang pagdaraos ng SONA 2026.
Source: MMDA



