Naglabas ng traffic advisory ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at hinikayat ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue, IBP Road, at iba pang pangunahing lansangan sa paligid ng House of Representatives sa Quezon City kaugnay ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026.
Ayon sa MMDA, ang mga sasakyang mula Quezon Memorial Circle na patungong Fairview ay maaaring dumaan sa North Avenue, Mindanao Avenue, Sauyo Road, o Quirino Highway. Samantala, ang mga biyaheng mula Fairview patungong Quezon Memorial Circle ay pinapayuhang dumaan sa Sauyo Road o Quirino Highway bago lumiko sa Mindanao Avenue at North Avenue.
Naglatag din ang ahensya ng hiwalay na alternatibong ruta para sa mga truck at light vehicles na magmumula sa C-5 Road at Katipunan Avenue upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Bilang bahagi ng traffic management plan, magpapakalat ang MMDA ng 1,481 traffic personnel mula sa iba’t ibang traffic enforcement districts at mahigpit na ipatutupad ang “no day-off, no absent” policy para sa mga field personnel. Magkakaroon din ng sapat na kagamitan tulad ng mga tow truck, ambulansya, mobile patrol units, motorsiklo, boom truck, dump truck, portalets, at iba’t ibang traffic barriers upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente.
Magde-deploy din ang naturang ahensya ng Mobile Command Center, 15 CCTV cameras, at mga monitoring equipment upang masubaybayan ang sitwasyon sa paligid ng Batasan Complex. Nakaantabay din ang MMDA Emergency Preparedness and Response Team, habang ang Communication and Command Center sa Pasig City ay magsasagawa ng 24-oras na pagmamanman gamit ang CCTV at radio communications sa buong panahon ng SONA.
Hinihikayat ng MMDA ang publiko na planuhin ang kanilang biyahe, sundin ang mga ipinalabas na traffic advisory, at makipagtulungan sa mga traffic enforcer upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko at maiwasan ang abala sa araw ng SONA.
Source: MMDA



