PNP, opisyal nang binuksan ang 44th ASEANAPOL Conference; kooperasyon laban sa transnational crimes, pinalalakas

0
89

Opisyal nang binuksan ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang 44th ASEAN National Police (ASEANAPOL) Conference noong Hulyo 23, 2026 sa Maynila. Dinaluhan ang pagtitipon ng mga Chief of Police at senior delegates mula sa sampung bansang kasapi ng ASEANAPOL—Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam—upang higit pang pagtibayin ang kooperasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad.

Pinangunahan ni Secretary Juanito Victor C. Remulla ng Department of Interior and Local Government ang seremonya bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagsilbing Guest of Honor and Speaker. Dumalo rin ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, mga kinatawan ng diplomatic corps, at iba pang mga panauhin bilang pagpapakita ng suporta sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga law enforcement agencies sa ASEAN.

Sa ilalim ng temang “United in Vision: Securing People and Strengthening Collaboration,” nagsisilbing pangunahing plataporma ang kumperensya para sa pagpapalalim ng pakikipag-ugnayan ng mga pulisya sa rehiyon. Kabilang sa mga pangunahing usaping tinalakay ang pagtugon sa transnational crime, cybercrime, terorismo, human trafficking, ilegal na droga, at iba pang umuusbong na hamon sa seguridad sa pamamagitan ng mas pinaigting na information sharing at magkakaugnay na operasyon. Bilang Chairperson ng kumperensya, binigyang-diin ni PGen Nartatez na walang iisang bansa ang kayang tugunan nang mag-isa ang mga hamong ito at iginiit ang kahalagahan ng mas matatag na kooperasyon, pagtitiwala, at sama-samang pagkilos ng mga bansang kasapi ng ASEANAPOL.

“Guided by this year’s theme, ‘Unity Towards a Stronger ASEANAPOL Community,’ we reaffirm our shared responsibility to strengthen cooperation, build mutual trust, and enhance our collective capability to address transnational crimes that threaten the safety and security of our people. No single nation can confront these challenges alone, but together, through sustained collaboration and shared commitment, we can build a safer, more secure, and more resilient ASEAN community,” ani PGen Nartatez.

Magpapatuloy ang 44th ASEANAPOL Conference hanggang July 25, kung saan isasagawa ang mga plenary session, pagpupulong ng mga komite, at mga talakayan sa polisiya na inaasahang higit pang magpapalakas sa kooperasyong panrehiyon sa pagpapatupad ng batas. Sa pamamagitan ng pagho-host ng prestihiyosong kumperensiyang ito, muling ipinakikita ng Philippine National Police ang matatag nitong pangako sa pagpapalakas ng pandaigdigang pakikipagtulungan upang mapanatili ang isang ligtas at matatag na rehiyon, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply