Pinangunahan ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang Handover of Monetary Reward Ceremony na ginanap noong Hulyo 21, 2026 sa Bulwagang Lapulapu, Camp Crame, Quezon City, bilang pagkilala sa mga sibilyang nagbigay ng mahalagang impormasyon na naging susi sa pagkakaaresto ng 21 wanted persons na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal. Sa naturang seremonya, ipinagkaloob ng Philippine National Police ang kabuuang Php9,275,000 na pabuya sa mga civilian informants bilang pagkilala sa kanilang katapangan, malasakit, at mahalagang ambag sa pagpapatupad ng batas.
Ang 21 na naarestong mga pugante ay nahaharap sa iba’t ibang mabibigat na kaso kabilang ang murder, kidnapping, robbery, rape, arson, syndicated estafa, at iba pang paglabag sa mga special laws. Ipinakita ng matagumpay na operasyong ito ang mahalagang papel ng maagap at mapagkakatiwalaang impormasyong ibinibigay ng mga responsableng mamamayan sa pagpapabilis ng police operations, pagpapalakas ng intelligence efforts, at pagtiyak na maihaharap sa hustisya ang mga pinaghahanap ng batas.
Muling pinagtibay ng PNP ang kahalagahan ng matatag na ugnayan ng kapulisan at komunidad bilang isa sa mga pangunahing haligi ng PNP Focused Agenda, sa pamamagitan ng pinaigting na police operations, pinalakas na intelligence capabilities, at aktibong pakikilahok ng publiko sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Hinikayat din nito ang mamamayan na manatiling mapagmatyag at patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang ligtas at mapayapang pamayanan.
Patuloy na isinusulong ng Pambansang Pulisya ang isang mas epektibo at inklusibong sistema ng pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan at mamamayan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



